MAHIGIT apat milyon botante ang walang voter’s ID o hindi kumukuha ng kanilang identification card, mula sa mga lokal na tanggapan ng Commission on Elections (Comelec).
Ipinaliwanag ni Comelec Spokesman James Jimenez, hindi pa kompleto ang naturang ulat dahil 80 porsiyento pa lamang ng mga local offices ang nagsumite ng kanilang report.
“So far, based on the 80 percent that already submitted, it’s more than four million…There are still areas [that have] yet to submit their report so it’s still incomplete,” sabi ni Jimenez.
Bunsod nito ay binuksan ngayon ng Comelec ang isang help line sa social media upang matulungan ang mga botante na wala pang voter’s ID.
Sa pamamagitan naman ng Twitter account ng Comelec na @COMELEC, gamit ang hash tag na #VoterIDKo, ay maaari nang matukoy ng isang botante ang status, saan maaaring makuha at mahanap ang kanyang voter ID.
“For assistance, in finding and claiming voter IDs, please tweet @COMELEC with #VoterIDKo”, sabi ni Jimenez sa kanyang twitter.
Bukod sa Twitter account, maaari rin mag-check ang mga botante sa printing status ng kanilang IDs sa pamamagitan ng Comelec website na www.comelec.gov.ph sa pamamagitan ng Precinct Finder at ID Printing Status Checker.
ni leonard basilio