UNTI-UNTI’Y nababawi na ng defending champion NLEX ang tikas nito sa layuning makadiretso na sa semifinal round ng PBA D-League Aspirants Cup.
Sisikapin ng Road Warriors na napahaba ang winning streak nila kontra Cafe France mamayang 2 p m sa JCSGO Gym sa Quezon City.
Sa ibang mga laro, magtatagpo ang Wang’s Basketball at National University/Banco de Oro sa ganap na 12 ng tanghali at magkikita naman ang Cebuana Lhuillier at Arellano University/Air 21 sa ganap na 4 pm.
Sinimulan ng NLEX ang taong 2014 sa pamamagitan ng back-to-back na panalo kontra Wang’s Basketball Couriers (96-80) at Jumbo Plastic (89-70) upang mapatibay ang kapit sa ikalawang puwesto sa record na 6-1 sa likod ng nangungunang Big Chill na may 10-1.
Ang top two teams sa pagtatapos ng 13-game elimination round ay didiretso sa semifinal round at iyon ang target ng Road Warriors. Iyon din ang puntirya ng Cafe France na may 7-3 record. Maaabot lang ito ng Bakers kung mawawalis nila ang nalalabing laro at madidiskaril ang Road Warriors.
Ang NLEX na hawak ni coach Boyet Fernandez ay binubuo ng core ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) champion San Beda Red Lions na kinabibilangan nina Olaide Adeogun, Rome dela Rosa, Art dela Cruz, Baser Amer at Jake Pascual.
Ang Cebuana Lhuillier, na ngayon ay hawak ni coach David Zamar ay may tsansa pang humabol sa quarterfinals. sa kartang 3-4 ay kailangan ng Gems na mawalis ang natitirang anim na games upang umusad sa susunod na round.
Ang Arellano U/Air 21, National U/Banco de Oro at Wang’s Basketball Couriers ay pawang nabigo na makarating sa quarterfinals at naghahangad na mapaganda ang kanilang pamamaalam sa torneo.
(SABRINA PASCUA)