PATAY ang sinabing mag-nobyo nang matagpuan ng mga operatiba ng Quezon City Police District PS-7 na may iniingatang tinatayang 12 kilo ng hi-grade shabu sa isang motel sa Cubao, Quezon City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang dalawang biktima na kapwa may tama ng bala ng kalibre .45 batay sa kanilang mga identification card na sina Aisa Cortez, sales lady sa Pangasinan at Ryan Guibon y Torres, isang overseas Filipino worker (OFW) na taga-General Santos City.
Natagpuan sa kwartong inokupa ng dalawa sa Taxi Apartelle ang 12 pakete ng tig-isang kilo ng isang foreign tea brand pero nang buksan ay natuklasang high grade shabu ang nilalaman nito.
Wala pang inilalabas na opisyal na ulat ang pulisya, pero batay sa nakalap na impormasyon ng pahayagang ito, ang dalawa umano ay tinutugis ng ilang armadong kalalakihan.
Nasukol ang dalawa sa nasabing motel at pinaniniwalaang pinatay ng mga miyembro ng sindikato.
Palaisipan naman sa mga awtoridad kung bakit iniwan ng sindikato ang halos 12 kilo ng shabu.
Naniniwala ang awtoridad na bukod sa naiwang 12 kilo ng shabu ay may nakuha pang malaking bulto ang mga responsable sa pamamas-lang kina Cortez at Guibon.
ni ALEX MENDOZA
P.3-M SHABU KOMPISKADO SA MAGTIYAHIN
Arestado ang mag-tiyahin matapos salaka-yin ng mga operatiba ng Jaen, Nueva Ecija, Philippine National Police (PNP) ang isang compound sa Barangay Sa-pang, Jaen, Nueva Ecija, Sabado ng umaga.
Ayon kay PO2 Victor Dalusong, isa sa mga imbestigador, target nilang hulihin si Virgilio Bartolome at pamangking si Melvin Bulanan na kapwa notoryus drug user at pusher sa kanilang lugar.
Pero sa isinagawang operasyon, nakatakas si Virgilio at inaresto ang kanyang misis na si Te-resita Bulanan na nakuhaan ng 20 sachet ng shabu habang isang sachet at ilang paraphernalia ang nakuha kay Melvin.
Tinatayang nasa P300,000 halaga ng mga nasamsam na droga.
Tinutugis pa rin ng mga awtoridad ang nakatakas na si Virgilio.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Acts.
KELOT TIKLO SA BUY-BUST
MATAPOS isagawa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (SAID-SOTG), arestado ang 21-anyos na out of school youth, nitong Huwebes ng hapon, sa Taguig City.
Kinilala ni Chief Insp. Jerry Amindalan, hepe ng SAID-SOTG, ang suspek, alyas Jericho Esquivel, ng JGL Compound, Barangay Napindan, matapos makuhaan ng dalawang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at markadong salapi na gamit pambili ng ilegal na droga.
Ani Amindalan, dalawang linggo nilang minamanmanan si Esquivel, nang makatanggap sila ng reklamo sa mga kapitbhay ng suspek, kaugnay sa ilegal na gawain sa kanilang barangay.
Nakipag-transaksyon ang nagpanggap na buyer kay Esquivel at saktong tinatanggap niya ang markadong P1,000 kapalit ng epektos, sa panulukan ng Dinggin Baan at Dr. Natividad St., sa Ligid, Tipas, dakong 5:30 p.m. nang dakmain siya nina PO2 Dizon Tina at PO3 Joseph More ng SAID-SOTG.
Ayon kay PO3 Eric Valle, may hawak ng kaso, sasampahan nila ng kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act sa Taguig City Prosecutors Office ang suspek.
(JAJA GARCIA)
2 MUSLIM PATAY SA ONSEHAN SA DROGA
PATAY ang dalawang Muslim matapos tambangan ng apat na kalalakihan na pinaniniwalaang onsehan sa droga ang ugat ng krimen, sa Rodriguez, Rizal.
Kinilala ni P/Supt. Samuel Delorino, chief of police, ang mga napatay na sina Hamsa Abas y Sendad, 32-anyos, may-asawa at Ibrahim Adam y Ubpon, 46-anyos, parehong taga-Cotabato, kapwa nakatira sa Blk-2, Lot-9, Phase-1B, Sub-Urban, Brgy. San Jose, ng nabanggit na bayan.
Agad tumakas ang mga suspek sakay ng getaway car dala ang mga baril na ginamit sa pagpatay.
Sa imbestigasyon ni P03 Marvin Agno, dakong 3:50 ng hapon, nang tambangan ng mga suspek ang mga biktima habang sakay ng motorsiklo pauwi sa bahay, sa tapat ng Metro Manila Hills, Mayon St., sa nabanggit na barangay.
Nakuha sa lugar ng krimen ang 13 piraso ng basyo ng bala mula sa kal. 45 at isang slug na pinaniniwalaang mula sa mga armas ng 4 na suspek.
Isasagawa sana ng pulisya ang autopsy sa mga bangkay ngunit tumanggi ang pamilya dahil sa sinusunod na kaugalian na agad inililibing ang mga namatay na Muslim. Nagsasagawa na ng imbestigasyon at follow-up operation ang mga awtoridad para sa ikadarakip ng mga suspek.
(ED MORENO)