Umaabot sa mahigit 300 pamilya ang inilikas sa Compostella Valley at Davao del Norte, bunsod ng walang tigil na ulan simula pa nitong Biyernes dahil sa Low Pressure Area (LPA).
Sa report ng Compostela Valley Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), mula sa mga munisipalidad ng Montevista, Nabunturan, Compostela, New Bataan at Laac kung saan may pinakamaraming apektadong pamilya na nasa mahigit 100.
Dalawang pamilya naman ang inilikas mula sa Mount Diwalwal sa Moncayo dahil sa landslide.
Ilang istraktura na rin ang nagiba dahil sa baha gaya ng tulay sa Diwalwal at dike sa Naroc, Moncayo.
Pansamantala munang nanunuluyan sa mga barangay hall at eskewelahan ang mga inilkas na pamilya.
Meron ding paglilikas na isinagawa sa mga residente ng dalawang barangay sa New Corella, Davao del Norte at anim na barangay sa Asuncion, Davao del Norte dahil madaling bumaha sa mga naturang lugar.
Nagsagawa na ng preemptive evacuation sa ilang bahagi ng ComVal at Davao del Norte dahil sa masamang panahon.
Samantala, isang barge rin ang na-istranded sa may Malita, Davao Oriental matapos itong tamaan ng malalaking alon.
Ligtas naman lahat ang 12 tripulanteng sakay nito.
Biyernes ng gabi, nagkaroon ng landslide sa Agusan del Norte dulot ng patuloy na pag-ulan pero wala namang nasaktan.
Masusi na ring mino-monitor ng local disaster officials ang antas ng tubig sa Agusan River.
Kabilang sa mga lugar na nakararanas ng bahagya hanggang sa malakas na pag-ulan ang Surigao del Norte, Dinagat island, Surigao del Sur, Agusan del Sur, Agusan del Norte, Davao Oriental, Compostela Valley, Davao del Norte at Camiguin Island. (HNT)