PORMAL nang hiniling ng Filipinas sa China na ipaliwanag ang bagong patakaran ng pangingisda partikular sa pinagtatalunang mga isla sa West Philippine Sea.
Batay sa batas na inilabas ng Hainan Provincial People’s Congress, kaila-ngan nang magpaalam sa Beijing ang mga banyagang mangingisda kabilang ang Filipinas, bago makapangisda sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez, labis na nakababahala ang nasabing panuntunan at dapat linawin agad ng China.
Ayon kay Hernandez, lalo lamang iinit ang tensyon sa rehiyon at isa itong paglabag sa international law partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at taliwas din sa nakatadhana sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea.
Bukod sa Filipinas, apek-tado rin ang ibang bansa o sasakyang pandagat na maglalayag sa West Philippine Sea at labag ito sa freedom of navigation na kinikilala ng international community.