KASONG frustrated murder ang isinampa ng awtoridad laban sa 30-anyos, isa sa apat na suspek sa pamamaril sa apo ng comedian/actor, Willie Nepomuceno sa Marikina City kahapon.
Kinilala ni P/C Inspector Eduardo Cayetano, CID chief, ang nadakip na si Mark Bersilla, 30, binata, walang hanapbuhay, nakatira sa #131 Dao St., Marikina Heights.
Dakong 5:00 ng hapon nang maaresto ang suspek sa kanyang bahay sa follow-up operation ng pulisya, kasama ang intelligence unit matapos matukoy sa Land Transportation Office ang may-ari ng getaway vehicle na Ford Fiesta 4DR na nakapangalan kay Ronar V. Cruz, ng #22 East Drive Brgy. Marikina Heights, na ngayon ay nagtatago.
Samantala, nasa stable na kondisyon na si Sean Gabriel Nepomuceno, makaraang maoperahan sa bituka sa Amang Rodriguez Medical Center.
AniSherwin Jerome Malit, isa sa mga kasama ng biktima, habang umo-order umano sila sa Angel’s Burger, Bayan-bayanan Ave., Concepcion, may biglang pumaradang puting Ford Fiesta at bumaba ang apat na suspek na pawang mga armado at biglang nagpaputok ng baril at tinamaan si Sean.
Positibong itinuro ni Malit, si Bersilla na isa sa apat na suspek sa pamamaril na ikinasugat din ni Frank Raven Jocson na tinamaan ng bala sa binti. Target sa follow-up si Cruz at dalawa pang kasamahan..
(ED MORENO)