APEKTADO na rin ang mga Filipino sa Estados Unidos bunsod ng
nararanasang matinding lamig ng panahon na bumagsak sa -51 degrees Celcius ang temperatura.
Ayon kay Via Duterte Johnson, taga-General Santos City at nakapag-asawa ng Amerikano, binalot sila ng matinding lamig nang nasiraan ang kanilang sasakyan sa gitna ng biyahe sa nasabing estado.
Ayon kay Johnson, kasama niya ang kanyang asawa na si Bryan Johnson habang nagbibiyahe sa 48 US states dahil sa kanilang trucking business at sa nasabing pagkakataon ay naabutan sila ng matinding lamig ng panahon.
Idinagdag pa niya na hindi na makausad ang kanilang sasakyan noong nakaraang araw dahil nagyeyelo na rin ang kanilang 50 gallons ng gasolina kaya naman agad silang nagparesponde sa pulisya dahil sa pangamba na maaari silang mamatay dahil sa tindi ng lamig sa loob lamang ng ilang minuto.
Sinabi pa ni Mrs. Johnson, ang kanilang dalang mineral water ay nagyeyelo na rin sa loob ng sasakyan kahit ito’y mayroong heater at kahit patong-patong na ang winter clothes ay nangingibabaw pa rin ang tindi ng lamig.
Sinasabing ito na ang pinakamatinding lamig ng klima na naranasan sa Amerika sa loob ng 20 taon. (HNT)