TINIYAK ni Presidential Assistance for Rehabilitation and Recovery head, Sec. Ping Lacson na agad isasampa sa Office of the Ombudsman ang kasong graft sakaling makompleto na ang imbestigasyon kaugnay ng maanomalyang pagpapatayo ng bunkhouses para sa mga biktima ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas.
Nilinaw ni Lacson, hindi na dapat bigyan ng isa pang pagkakataon ang sino mang mapatutunayan na sangkot sa sinasabing sub-standard na pagpapatayo ng pansamantalang tirahan ng libo-libong mga biktima ng kalamidad, kundi dapat nang iharap sa asunto.
“We offer no second chance to people who cannot distinguish anymore between ordinary and extraordinary corruption,” ani Lacson.
Ayon kay Lacson, mayroon siyang mga dokumento kaugnay ng program of works, bills of materials and specifications ng proyekto na kailangan niyang ikompara sa DPWH kung ito ay magkakatugma. (HNT)
PNOY BILIB PA RIN KAY BABES SINGSON
BUO pa rin ang tiwala at kompyansa ni Pangulong Benigno Aquino III kay Public Works Secretary Rogelio Singson sa kabila nang napaulat na overpriced ang itinayong bunkhouses sa Leyte at Samar.
“Hanggang ngayon naman po, sa aking pagkaalam, ay buo po ang tiwala at kompyansa ng ating Pangulo kay Secretary Singson,” ayon kay Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio Coloma Jr.
Aniya, maayos naman na naipaliwanag ni Singson ang kanyang panig at nangako na reresolbahin ng kanilang kagawaran ang ano mang depekto na matutuklasan sa bunkhouses.
Inihayag ni Singson kamakalawa na nakahanda siyang magbitiw kapag napatunayang overpriced ang bunkhouses para sa mga biktima ng super typhoon Yolanda
Kinompirma ni Coloma na inatasan ng Pangulo ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na imbestigahan ang alegasyong overpricing ng bunkhouses matapos isiwalat ni rehab czar Panfilo Lacson.
“Tinanong ko po ang Pangulo ngayong umaga at sinabi rin niyang hihintayin na lamang niya ang ulat mula kay Secretary Lacson hinggil dito,” dagdag pa niya.
Tiniyak pa niya na hindi maapektuhan ang programang pabahay ng pamahalaan sa pagsisiyasat sa usapin at abala na rin ang National Housing Authority (NHA) sa pagtatayo ng permanenteng masisilungan ng mga biktima ni Yolanda.
(ROSE NOVENARIO)