MAGLALATAG ng ilang programa at proyekto ang Manila Police District (MPD) tungo sa malaking pagbabago na magbabalik sa tinaguriang Manila’s Finest at magsusulong ng maayos na peace and order sa lungsod.
Direktang iniatas ni MPD District Director Gen. Isagani Genabe, Jr., sa 11 station commanders ang mabilis na pagresponde sa mga tawag, reklamo o sa mga kasong idudulog ng bawat mamamayan.
Nabatid kay MPD DID chief, Supt. Villamor Tuliao, hangad ni Gen. Genabe ang matuwid at mabilis na serbisyo upang maibalik ang sigla ng tinaguriang “Manila’s Finest” upang hindi lamang masugpo ang mga krimen bagkus ay para mapanatili ang nagbalik na tiwala ng Manileño sa pulisya na dating nabahiran ng police scalawags.
Ayon kay Tuliao, utos rin ni Genabe sa lahat ng opisyal na paigtingin ang peace and order sa Maynila at tutukan ang mga tiwali na posibleng nakapamamayagpag pa rin sa MPD.
Paiigtingin umano ang regular checkpoint ng MPD sa iba’t ibang lugar at wawalisin ang ‘kotong’ checkpoints na kinatatakutan ng mga motorista.
Nagbukas na ng police hotline ang MPD React para sa mga reklamo laban sa mga abusadong pulis.
Seryosong kampanya laban sa mga kriminal ang tahasang utos ni Gen.Genabe sa lahat ng mga tauhan.
Ani Genabe, “Hindi ko kokonsintihin ang sinomang mga police scalawags na utak at patong sa mga ilegal sa aking nasasakupan, gaya ng dalawang pulis na nagbarilan dahil sa droga.”
Maging ang mga sinasabing LUBOG o pulis na hindi pumapasok ay natuldukan na at nagawan na ng aksyon na ipinatapon outside NCR.
Ang pulis ay non-partisan kaya kahit kilalang tauhan o bodyguards ng politiko ay maaaring sibakin sa oras ng indulto.
Bunsod ng performance grading system na proyekto ni Genabe, wala pang isang taon sa kanyang pwesto ay ilang mga sibakan at reshuffles na ang naganap upang maisakatuparan ang matuwid na daan sa Maynila.
Idinagdag ng isang malapit na opisyal, maraming ipinakalat na counter intelligence personnel ang mga tauhan ni Genabe upang tutukan ang mga red areas o police hotspot na posibleng pagtaguan ng mga kriminal mula sa iba’t ibang sulok ng bansa gaya ng Baseco compound, Parola, Isla Puting Bato at Quiapo na sinusuyod ng mga tauhan ng MPD.
(BRIAN GEM BILASANO)