HINILING ngayon ng bagong halal na Pangulo ng Liga ng mga Barangay ng lalawigan ng Laguna ang pag-amyenda ng Local Government Code para sa Magna Carta for Barangay Captains para makatulong sa pagpapaunlad sa mga komunidad na nasasakupan ng mga barangay sa buong bansa.
Ayon kay Lorenzo “Boy” Zuniga, Jr., Brgy. Captain ng Barangay San Ildefonso, Alaminos, Laguna at Pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Laguna na nakasasakop sa 674 barangay federation, ang Magna Carta ay magbibigay ng lakas sa mga barangay captain at sa mga opisyal nito.
Kasama sa itinutulak ni Zuniga na magkaroon ng “fixed monthly salaries” ang mga barangay chairman sa halip na honorarium.
Ang hakbanging ito ni Zuniga ay upang maiwasan ang korupsyon na kinasasangkutan ng mga barangay captains sa buong bansa.
Ang 57-anyos na Pangulo ng Liga ng mga Barangay sa Laguna at Atenean-bred economist ay umaasa ng suporta mula sa provincial presidents ng LnB na makikita niya sa isasagawang annual election ng Liga National directorate sa mga susunod na araw.
Naniniwala rin siya na imbes maghintay ng grasya mula sa national government ang mga barangay sa buong bansa ay kailangan magkaroon ng sariling diskarte para sa ikagaganda ng kanyang nasasakupan.
“ Development should start with us, in the grassroots by our own efforts. We should not wait or rely on the National Government. As what our President Benigno S. Aquino says, change should happen in us. A Magna Carta which will outline how barangay captains and officials will enhance their participation in developmental works, is necessary for our people to feel progress in their communities,” ani Zuniga.
Aniya, ang kanilang gagawing systematic classification ng barangays ay kahalintulad ng classification ng municipalities at cities mula first, fifth class hanggang sa pinakamababa.
Ang pinakamababang class barangays na may annual budget na hindi nakasasapat para sa suweldo ng kanilang barangay chairman ay makatatanggap ng financial subsidy mula sa national, provincial o sa local government.
Ang panukalang suweldo ay ipatutupad sa mga barangay chairman na nakakatanggap ng mas mababa sa minimum wage base sa minimum daily wage na ipinatutupad ng Department of Labor and Employment (DOLE).
(Mon Estabaya)