TULUYAN nang inabswelto ng Department of Justice (DoJ) si dating Batangas Vice Governor Richard “Ricky” Recto hinggil sa kasong may kinalaman sa bombing incident na nangyari sa Batangas Capitol noong 2006 na ikinamatay ng dalawang tauhan ni dating Batangas Governor Armando Sanchez.
Magugunitang nangyari ang pagpapasabog noong Hunyo 1, 2006 na ikinasugat ni Sanchez at ikinamatay ng kanyang driver na si Luisito Icaro kasama ang closed-in-security na si PO2 Eric Landicho na nagresulta rin sa pagkawasak ng Hummer Jeep ng dating gobernador.
Sa inilabas na resolusyon ni Senior Deputy State Prosecutor Theodore Villanueva na may petsang December 26, 2013, kinatigan nito ang motion for reconsideration ni Recto na kumukuwestiyon sa rekomendasyon na sampahan siya ng kasong murder, frustrated murder at damage to property.
Ayon sa DoJ, kung pagbasehan ang “facts of the case” at ang ebidensyang isinumite ni Recto, walang sapat na probable cause para sampahan siya ng kaso at litisin sa korte.
Hindi rin kombinsido ang DoJ na may conspiracy o sabwatan para gawin ang pag-atake, wala ring mga personalidad na tinukoy para magsakatuparan ng planong pag-atake at ang mga salaysay mula sa mga opisyal ng militar ay maituturing lamang na hearsay.
(BETH JULIAN)