CEBU CITY – Inoobserbahan ang kondisyon ng siyam katao matapos silang makagat ng asong ulol na nagpagala-gala lang sa kalsada sa lungsod ng Cebu.
Ayon kay Brgy. Malubog Councilor Boy Bulacano, nakababahala ang sitwasyon ng mga biktima matapos lumabas sa eksaminasyon sa aso na positibo sa rabies.
Dagdag ng konsehal, tinurukan na ng anti-rabies ang mga biktima.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Bernadith Inocian, 26, buntis; Norma Inocian, 48; Niño Waga, 4; Estrella Baclohan, 52; Irene Belenia, 33; Ashley Marie Morsua, 4; Ryan Arcaya, 16; Edmund Abada, 22; Melvin Arallo, 4.
Inaalam pa kung ano ang posibleng epekto ng insidente sa ipinagbubuntis ni Inocian.
Napag-alaman na ipinag-utos agad ng Department of Agriculture ang pagputol sa ulo ng nasabing asong ulol upang malaman kung mayroon itong rabies.
Samantala, inako ng Department of Health Region-7 ang mga gamot na kakailanganin ng mga biktima.