HINDI na nakauwi nang buhay sa Filipinas ang siyam-buwan gulang na sanggol nang malagutan ng hininga habang itinatakbo sa Bangkok hospital kahapon bunsod ng sakit sa puso.
Inihayag ni Alwin Pastoril ng Muntinlupa City, tatlong taon nang delivery truck driver sa Baskin Robbins sa Kuwait, nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 lulan ng Gulf Air GF154 dakong 12:45 p.m., nagdesisyon silang mag-asawa na ibalik sa Manila ang kanilang unang anak na si Chloe Dwayn bunsod ng personal na dahilan.
Sinabi ni Pastoril, isinilang ng kanyang misis si Chloe nitong nakaraang taon makaraan ang tatlong taon pagsasama sa Kuwait ngunit magmula noon ay na-confine na ang sanggol sa ospital dahil sa sakit sa puso.
Kamakailan, nagdesisyon silang ibalik sa Manila si Chloe upang maa-lagaan ng kanilang mga magulang ang sanggol habang magpapatuloy silang mag-asawa sa pagtatrabaho sa Kuwait.
Kamakalawa, sumakay ang mag-anak sa Gulf Air flight GF 154 mula sa Kuwait patungong Manila via Bahrain.
Ngunit habang nasa Bahrain aerospace, sumuka nang ilang beses ang sanggol kaya humingi ng tulong si Pastoril sa flight crew at sinabi sa pilot Captain na si Al Anzari Mahmood Ahmed na may emergency.
Agad nagradyo ang piloto sa control tower ng Bangkok na may emergency situation kaya kailangang lumapag ang eroplano.
Isinugod ang sanggol sa pinakamalapit na pagamutan sa Bangkok sa pamamagitan ng ambulansya ngunit idineklara ng mga doktor na patay na ang biktima.
“Nagpapasalamat kami kay Gulf Air pilot Capt. Ahmed dahil hinintay niya kami sa loob ng tatlong oras para makasakay at ang namatay naming anak,” pahayag ni Pastoril.
Dumating ang eroplano sa NAIA na delayed ng tatlong oras.
Ayon kay NAIA doctor Claro Isidro, on-duty doctor, ang sanggol ay patay na nang dumating ang eroplano sa NAIA.
“Babalik ako sa Kuwait pagkatapos ng traditional seven- day vigil sa lalawigan namin hanggang paglilibing,” dagdag ni Pastoril.
(GLORIA GALUNO)