INILUNSAD na ng Department of Health (DoH) ang nationwide vaccination para sa 12 million kabataan na maaaring maapektuhan pa ng lumalalang problema sa tigdas.
Magugunitang nagdeklara na ng measles outbreak ang DoH sa Metro Manila dahil sa malaking bilang ng naitalang nagpositibo sa naturang sakit sa Quiapo, Sampaloc, Tondo, Binondo, Sta. Cruz, Port Area at Sta. Mesa sa Maynila; Dagat-Dagatan at Bagong Barrio sa Caloocan City; Talon 5, Talon 2 at Pamplona Uno sa Las Piñas; sa Longos at Tonsuya sa Malabon.
May mga naitala na ring kaso nito sa Alaban at Putatan sa Muntinlupa; North Bay Boulevard South sa Navotas; Moonwalk at Don Bosco sa Parañaque; Bagong Tanyag sa Taguig at Ugong sa Valenzuela.
Sinabi ni Dr. Eric Tayag na uunahin nila ang mga bata sa National Capital Region (NCR) at agad na isusunod ang mga lalawigan.
Sa ngayon, umaabot na sa 1,724 ang naitalang kaso ng tigdas sa buong kapuluan, habang 21 sa mga ito ang nagresulta sa kamatayan.
Tiniyak naman ni DepEd Asec. Tonesito Umali ang suporta ng kanilang ahensya sa kampanya ng DoH laban sa tigdas.
Ayon kay Umali, mainam itong agad na masimulan sa mga komunidad at mga paaralan, lalo na sa mga lugar na may malaking bilang ng populasyon ng mga bata.
(BETH JULIAN)