WALANG problema para kay Gary David kung hindi siya isasama ni coach Chot Reyes sa lineup ng Gilas Pilipinas na sasabak sa FIBA World Cup sa Espanya ngayong Agosto ng Bagong Taong 2014.
May opsyon kasi si Reyes na baguhin ang lineup ng Gilas para mapasok ang maraming magagaling na manlalaro mula sa PBA.
“Ready naman ako sa ganun,” wika ni David sa panayam ng website na www.spin.ph. “Kung ganyang papalitan nila ako, wala namang problema.”
Ngunit iginiit ni David na kung pipiliin pa siya sa biyahe ng national team patungong Espanya, sasama siya.
“Siyempre kung kailangan nila `yung serbisyo ko, why not,” ani David. “Iba naman `yung pinakita ko sa Fiba-Asia. Malay naman natin, baka iba rin ang ipakita natin sa world championship.”
Sa ngayon ay nangangapa pa si David sa Meralco sa PBA MyDSL Philippine Cup dahil sa tatlong panalo kontra sa pitong talo.
Naging masakit ang pagkatalo ng Bolts noong Sabado kontra Barangay Ginebra San Miguel dahil sa tres ni Japeth Aguilar bago ang busina.
“Dahan-dahan lang makukuha namin ito. Maaga pa, hindi pa puwede sabihing suko na,” pagtatapos niya. (JAMES TY III)