BAGONG Taon nang pumanaw ang maybahay ni Marikina City Mayor Del de Guzman, na matagal nang dumaranas sa sakit na “lymphoma o blood cancer.”
Sa ulat ni Marikina Public Information Officer (PIO) Paul Edward Sison, dakong 4:10 p.m. kamakalawa nang bawian ng buhay si Amalia Gonzaga de Guzman sa edad 46 anyos sa The Medical City.
Nabatid na matagal nang napaulat na may sakit na lymphoma ang ginang at matagal na rin labas-masok sa ospital.
Naiwan ni Mrs. De Guzman ang apat na mga anak na sina Delan Andro, Dean Anvielo, Allysia Danella at David Alfie.
Nakikiramay ang grupo ng Eastern Rizal United Media Practitioners (ERUMP) na may tanggapan sa Marikina Action Center Building, sa pamilya ni Mayor Del de Guzman.
Nakalagak ang labi ng maybahay ng city mayor sa Loyola Memorial Park sa lungsod ng Marikina.
Wala pang itinakdang araw at oras para sa libing ng labi ng misis ni De Guzman.
(ED MORENO)