IPINAGTANGGOL ng Palasyo ang paniningil ng dagdag na kontribusyon ng Social Security System (SSS) at Philhealth sa milyun-milyong miyembro simula ngayong Enero dahil pinag-aralan naman ito bago ipatupad.
Katwiran ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., hindi naman maaaring libre ang mga benepisyong matatanggap ng mga miyembro mula sa SSS kaya kailangang paghatian ng employer at employee ang butaw, habang sa Philhealth naman ay ang benepisyaryo at gobyerno.
“Kaya sa lahat naman po ng pagkakataon ay pinag-aaralan kung ano ang pinakamainam na balance between costs and benefits, at tinitiyak naman na hindi magkakaroon nang masyadong mabigat na pasanin doon sa mga empleyado o sa mga beneficiary,” aniya.
Samantala, tiniyak ni Coloma na walang dagdag na buwis na ipapataw ang administrasyong Aquino, bagkus ay pahuhusayin ang pamamahala para ang mga dating napupunta sa korapsyon ay mailaan sa mga benepisyon ng mamamayan.
(ROSE NOVENARIO)