SAKALING mabigo ang pamilya na makapagbigay ng P17.5 milyon blood money, posibleng mabitay ngayon Enero ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia.
Base sa ulat ni Philippine Ambassador to Saudi Arabia Ezzedin Tago, nakalikom pa lamang ang pamahalaan ng 520,831 Saudi Riyal o P6.1 milyon upang mailigtas ang buhay ni Joselito Zapanta na hinatulan ng bitay noong 2009 nang mapatay ang kanyang Sudanese landlord.
Nanawagan muli si Vice President Jejomar Binay, Presidential Adviser on OFW Concerns, sa sambayanang Filipino upang tulungan si Zapanta na makalikom ng blood money.
“Ako ay muling umaapela sa mga kababayan ko na tulungan si Joselito na makalikom ng blood money. Simulan natin ang taon na ito sa pamamagitan ng pagtulong upang makapagligtas ng buhay ng kapwa Filipino at makapagbigay ng kaligayahan sa kanilang pamilya,” pahayag ng bise presidente ng bansa.
Unang itinakda ang deadline sa paglalagak ng blood money sa pamilya ng biktima noong Nobyembre 12, 2012 ngunit inilipat hanggang Marso 12, 2013. Muling hiniling ng kampo ni Zapanta na bigyan ng pagkakataon makalikom ng blood money kaya’t iniatras ito noong Nobyembre 3, 2013.
Kung sino man ang nais tumulong para mailigtas ang buhay ni Zapanta ay maaaring ipadala sa sub-account ng Philippine Embassy sa Hollandi Bank sa Account Number 037-040-790-022 International Bank Account Number (IBAN): SA 61-5000-0000-0370-4079-0022 Swift Code: AAALSARI.
(JAJA GARCIA)