MULA yata nang magkaisip tayo ay lagi na natin nakikita tuwing unang araw ng taon ang mga larawan sa diyaryo at news clips sa telebisyon na pawang nasabugan ang kamay, ang mukha, putol ang daliri, ‘yung iba kamay na nga.
Merong mga walang malay nang dalhin sa ospital dahil tinamaan ng ligaw na bala mula sa mga demonyong mahilig magpaputok na baril.
At kapag minamalas-malas ka ‘e masusunugan ka pa ng bahay.
Hindi na po tayo umahon sa problemang ‘yan. Taon-taon ay lagi na lang problema ‘yan ng Department of Health (DOH) at ng Philippine National Police (PNP).
Sa totoo lang, ang daming kaso ng “stray bullet” na hindi na nalutas. Pero sa kabila nito ay paulit-ulit na nagaganap taon-taon.
Gusto ko lang pong sabihin sa inyo, bukod tanging sa bansa lang natin ganyan kakulit ang paulit-ulit na kaso ng mga naputukan at tinamaan ng ligaw na bala.
Tayong mga Pinoy lang po, ang bumibili ng napakaraming paputok tuwing Bagong Taon.
Sa ibang bansa, nagtatakda lang sila ng isang LUGAR kung saan magkakaroon ng FIREWORKS DISPLAY.
May mga lugar rin na mayroon new year countdown concert.
Kaya doon nagpupuntahan ang mga tao. Doon nila sinasalubong ang Bagong Taon nang ligtas at masaya.
Nitong bisperas ng Bagong Taon, hinangaan natin ang ginawa ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na kasabay ng pagbabawal sa pagpapaputok, na pinagtibay ng city ordinance, naglunsad ng contest para sa pagandahan ng torotot sa Davao City.
Nagtakda sila ng isang lugar para doon ilunsad ang pakontes nila sa pagandahan ng torotot. Kaya doon natuon ang pansin ng kanilang mga constituents.
Mabuhay ka, Mayor Duterte!
Sana ay magkaroon na rin ng mga kagayang aktibidad ang iba pang local government units (LGUs) sa bansa. Kasi, kahit ano pang pagbabawal ang sabihin ng mga awtoridad laban sa paputok, kung wala naman alternatibong aktibidad ang mga tao, doon at doon pa rin sila babagsak. Kaya paulit-ulit lang ang mga kaso ng mga naputukan.
Palagay natin ‘e ang Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd), at Department of Tourism (DoT) ang dapat manguna sa aktibidad na ito.
Huwag natin gawing dancer si Health Undersecretary Eric Tayag, kasi hindi naman niya trabaho ‘yan. (hik hik hik)
Ang dami pong government agencies na pwedeng pakilusin para tuluyan nang mawalis ang kultura ng maling pagsasaya.
‘Yun lang po … at muli, isang masaya, mapayapa at mabungang Bagong Taon sa inyong lahat!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com