MINALAS na maging biktima ng pagsabog ng fireworks ang 23 katao na nanonood sa pagsalubong sa Bagong Taon sa SM Mall of Asia (MOA) kamakalawa ng hatinggabi sa lungsod ng Pasay.
Nagpahayag ang pamunuan ng MOA na nakahnda silang balikatin ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot ng 23 katao biktima ng pagsabog ng fireworks.
Tanging ang guro na si Marlyn Tiangha, 48, ng #4366 L. Bernardino St., Gen. T. De Leon, Valenzuela City, ang napuruhan dahil sa dinanas na ng 1st degree burn sa ibabang bahagi ng dibdib.
Nanguna sa imbestigasyon si Pasay City Police chief, Senior Supt. Florencio Ortilla sa insidente dakong 12:13 a.m. sa SM Bay, MOA na pinagdausan ng fireworks display.
Base sa ulat ni SPO3 Chris Gabutin, dumating sa naturang lugar si Tiangha upang manood ng fireworks display dakong 11 p.m. hanggang sa mapuno na ng mga tao ang lugar na karamihan ay nakaupo pa sa sementadong lugar sa Ground Rides area.
Nang umpisahan nang sindihan ang fireworks, biglang tumagilid ang fireworks imbes na pataas patungo sa direksyon ng mga manonood bago sumabog na naging dahilan ng pagkakasugat ng 23 manonood.
(JAJA GARCIA)