CAMP OLIVAS, Pampanga – Patay ang isang 16-anyos binatilyo makaraang
rapiduhin ng mga putok ng baril ng nanggagalaiteng sarhento kamakalawa ng hapon sa loob ng bahay ng biktima sa Llanera,Nueva Ecija.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, hindi na umabot nang buhay sa pinagdalhang pagamutan ang biktimang si Ronnie Almuete y Puyat, sanhi ng mga tama ng bala sa kanyang katawan.
Habang agad tumakas ang suspek na si SPO1 Jaime Giron, Jr., ng Llanera Police station.
Base sa pagsisiyasat, bandang 1:45 p.m. mistulang toro na galit na galit nang dumating si Giron at pwersahang pinasok ang bahay ni Almuete at walang kaabog-abog na kinompronta ang biktima.
Pagkaraa’y biglang binunot ang kanyang .45 kalibreng baril at ipinutok nang maraming beses sa katawan ng biktima na nagresulta sa agarang pagkamatay ng binatilyo.
(RAUL SUSCANO)
4 PULIS TIKLO SA PAG-PAPAPUTOK
APAT na pulis ang inaresto dahil sa pagpapaputok ng baril noong bisperas ng Bagong Taon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Senior Supt. Reuben Theodore Sindac, isa sa apat na mga pulis ay ikinu-konsidera rin bilang suspek sa pagkakasugat ng isang sibilyan na tinamaan ng ligaw na bala.
Inamin ni Sindac na wala pa silang detalye kung ilan ang legitimate gun owners sa stray bullet incidents ngunit 37 ang kanilang naaresto.
Sinabi ng opisyal na nasa restrictive custody na ang apat na pulis at nahaharap sa posibleng dismissal sakaling mapatunayang guilty.
Sa tala ng PNP, simula Disyembre 16 ay nasa 28 ang tinamaan ng ligaw na bala, kabilang ang isang namatay.
Sa kabila naman nito, inihayag ni Sindac na “generally peaceful” ang naging pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
(DANG GARCIA)