MAAARI nang gamitin o ibenta ni 8-Division World Champion Manny Pacquiao ang kanyang mga ari-arian sa Estados Unidos.
Ito ay matapos bawiin ng pamahalaan ng Amerika ang ipinataw na federal tax lien laban sa mga ari-arian ng Sarangani congressman kasunod ng isyu na hindi siya nakapagbayad ng hanggang sa $18 million buwis mula taon 2006 hanggang 2010.
Mismong ang abogado ni Pacquiao na si Atty. Tranquil Salvador ang nakompirma sa pagkakatanggal ng lien o pagpigil sa mga kayamanan ng kongresista sa Estados Unidos.
“Yung lien sa America lifted na. So wala na siyang property na affected dito. Malaya na n’yang magagamit at mabebenta ‘yung mga properties na ‘yon,” ani Salvador.
Ayon naman sa business adviser ni Pacquiao na si Michael Koncz, agad inasikaso ng mga magagaling na abogado at accountants ni Pacman ang kanyang kaso sa Internal Revenue Service (IRS) upang maayos ito.
Magugunitang sa Filipinas ay pinigil din ang ilang ari-arian ni Pacquiao ng Bureau of Internal Revenue (BIR) matapos mabigo ang kongresista na bayaran ang P2.2 bilyon buwis sa gobyerno.