DALAWANG kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P10 milyon ang nakompiska sa buy-bust ope-ration ng mga operatiba ng PDEA-Special Enforcement Services laban sa Chinese national na kinilalang si Weimou Shi sa NIA Road, Quezon City. (ALEX MENDOZA)
Halos dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P10 milyon na nakasilid sa dalawang malaking pakete ang nakompiska sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa NIA Road, Quezon City, Sabado ng gabi.
Inaresto ang Chinese national na si Weimou Shi alyas Jeson Sy, 40-anyos.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nakipagtawaran pa ang suspek sa isang undercover agent ng PDEA sa gitna ng transaksyon.
Ito ang ikalawang high value target na nahuli ng PDEA sa magkasunod na linggo.
Muling tiniyak ng ahensya na bagama’t Holiday Season, wala rin silang tigil sa kanilang operasyon.
Mas pinaigting pa nila ang kampanya kontra ilegal na droga matapos kompirmahin ng mga awtoridad na napasok na ng isang Mexican drug cartel ang bansa.
TULAK ITINUMBA
PATAY ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos barilin ng hindi nakilalang suspek habang naglalakad ang biktima sa madilim na eskinita sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Dead on the spot ang biktimang si Jeric Jovellana, 27-anyos, ng Block 3-A, Brgy. Francisco General Mariano Alvarez, Cavite, sanhi ng tama ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril sa ulo.
Batay sa ulat ni SPO1 Noli Dait, may hawak ng kaso, dakong 11:15 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa biktima sa Martinico St., North Bay Boulevard South (NBBS) ng nasabing lungsod.
Naglalakad ang biktima nang sundan at lapitan ng hindi nakilalang suspek saka malapitang binaril sa ulo.
Sinasabing onsehan sa droga ang sanhi ng pamamaril matapos makuha sa biktima ang isang bag na may lamang shabu at paraphernalia, P5,000 cash, at isang cellphone na may mga mensahe tungkol sa transaksyon sa pagbebenta ng droga. (rommel sales)