PARANG bulang nawala ang P.2 milyong cash na pinaghirapan ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa loob ng SM Hypermart, sa Pasay City kamakalawa ng hapon.
Nanlulumong nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktimang si Mary Jane Monte, 40, dalaga ng Agua Marina St., San Andres Bukid, Maynila, na nabiktima ng Salisi Gang kahit sandamakmak ang close circuit television (CCTV) camera sa loob ng supermarket at marami ang security personnel na umaaligid.
Sa imbestigasyon ni SPO1 Nestro Rubel ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), dakong 3:00 ng hapon nang magpunta ang biktima sa naturang supermarket upang mamili ng kanilang pang-Media Noche.
Habang nasa food keeper section ang biktima, napuna niya ang isang babae at isang lalaki na gumigitgit sa kanya kaya’t nagpasiya siyang lumayo sa naturang lugar.
Makalipas ang ilang minuto nagbalik ang biktima at bumili na ng container pero nang magbabayad na ay saka niya natuklasan na bukas na ang kanyang shoulder bag at wala na rin ang kanyang wallet na naglalaman ng P200,000 at mahahalagang identification cards.
Agad inatasan ni Pasay police chief Senior Supt. Florencio Ortilla si Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng SIDMS, na makipag-ugnayan sa pamunuan ng SM Hypermart upang masilip ang kuha ng CCTV camera para matukoy ang mga suspek. (JAJA GARCIA)