NANGINGILID ang luha ng 52-anyos Arabiano, matapos siyang ipakulong ng ina ng kanyang anak sa Maynila, na kanyang inakbayan at hinaplos ang buhok nang sila ay magkita kamakailan.
Ang dayuhan na si Fouad Abdulla Al-Mushsin, ay inaresto ng pulisya dahil sa reklamo ni Luisa Villacorta, alinsunod sa paglabag sa Republic Act 7610 o acts of lasciviousness matapos umanong hipuan ng Arabyano ang 12-anyos nilang anak na si Krizia.
Kasama ng ginang na nagtungo sa Manila Police District Women’s and Children’s Desk ang barangay kagawad ng Barangay 668, Zone 72, na si Jeremias Ramos.
Ayon sa pulisya, dakong 11:30 ng gabi naganap ang panghihipo ng dayuhan sa biktima na umupo sa kandungan ng suspek sa loob ng tinutuluyang hotel.
Gayonman, sa panayam ng pahayagang ito kay Fouad, retiradong kawani ng Sudan ARAMCO, nakabase sa Saudi Arabia, nang magkita sila ng complainant at kanyang anak ay sabik umanong naupo sa kanyang kandungan ang bata.
Dahil aniya sabik din siya sa anak, kanya umanong niyakap, hinaplos ang buhok at tinapik sa balikat.
Hindi umano niya akalain na mamasamain iyon ng complainant lalo pa at normal na gesture lamang iyon ng isang ama.
Higit siyang nagulat nang damputin siya ng mga pulis sa reklamong panlalamas ng dibdib ng kanyang sariling anak.
Nalulungkot ang Arabiano dahil magba-Bagong Taon ay nasa kulungan at hindi madadalaw ang kanyang pamilya. (l. basilio)