ISANG Pinay ang kabilang sa mga sugatan sa malakas na pagsabog ng kotse na kumitil sa buhay ng anim katao kabilang ang isang maimpluwensiyang miyembro ng coalition na kalaban ng rehimen ng Syria, Biyernes, Disyembre 27, sa Beirut, Lebanon.
Sa pahayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) spokesman Raul Hernandez, isinugod sa emergency room ng American University of Beirut Medical Center ang Pinay pero agad pinauwi ng mga manggagamot matapos lapatan ng lunas.
Samantala, patuloy ang pagtugaygay ng lahat ng tanggapan ng Red Cross sa pinangyarihan ng insidente upang tiyakin na wala nang ibang Pinoy ang nasugatan sa naganap na pagsabog.
Sa ulat ng NNA news agency, nakabase sa Lebanon, patungo ang isa sa mga namatay na si Mohammad Chatah sa mansion ng dating prime minister na si Saad Hariri.
Si Chatah ay maimpluwensiyang ekonomista at dating minister ng kagawaran ng pananalapi at envoy ng Lebanon sa Washington at naging tagapayo ng dating premier Fuad Siniora at nanatiling close aide ni Hariri. (JAJA GARCIA)