PINAULANAN ng bala ang isang barangay hall ng hindi pa kilalang armadong suspek kung saan namatay ang Barangay Tanod at apat pa ang sugatan, sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Pasay City Police chief S/Supt. Florencio Ortilla, ang napatay na si John Armiel Quilantang, 20, binata, ng 346 Magtibay Street, M. Dela Cruz, sanhi ng isang tama ng bala sa dibdib.
Dinala naman sa iba’t ibang pagamutan ang iba pang biktima na sina Maynard Alfaro, 33, Chairman ng Brgy. 134, Zone 13; Kagawad Noel Mariano, 43; Kagawad Jose Maria, at isang Frank Reyes, ng Makati City, na tinamaan ng bala sa kanilang mga katawan.
Sa ulat ni PO3 Rodolfo Suquiña, imbestigador, nanonood ng telebisyon ang mga biktima sa loob ng barangay hall ng Brgy. 134, Zone 13 dakong 9:30 ng gabi, nang biglang sumulpot ang tatlong armadong lalaki sa bintana at agad na nagpaputok ng baril.
Tinamaan agad ang tanod na si Quilantang at nagkaroon naman ng bahagyang pinsala ang iba. Sinabi ni Chairman Alfaro na agad siyang nakakubli sa katabing kuwarto at nakuha ang kanyang baril saka nakipagpalitan ng putok sa mga suspek.
Sa pahayag ni Kagawad Mariano, nagbunot din siya ng kanyang baril at nagawang makipagbarilan sa mga hindi kilalang suspek na mabilis tumakas at naiwan pa ang itim na Yamaha Mio Soul scooter na walang plaka.
Sa footage ng “closed circuit television (CCTV)” sa katabing Barangay 130, Zone 13, nakita na sakay ang tatlong gunman ng narekober na scooter, sinusundan ito ng isang gray na kotse, at isa pang motorsiklo lulan ang dalawa pang lalaki. Narekober sa loob ng barangay hall ang mga basyo ng bala ng kalibre .40 at kalibre .45 baril.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo ng krimen at inaalam din kung may miyembro ng pulisya sa panig ng mga suspek makaraang makita sa CCTV na isa sa mga gunmen ay nakasuot ng PNP athletic uniform habang ang scooter na narekober ay may sticker ng PNP at Manila Police District (MPD).
(JAJA GARCIA)