PARA sa sambayanang Pilipino na mahilig sa basketball, masasabi nating ang 2013 ay isang taong punum-puno ng magandang alaala.
At ang pinakamagandang alaala ng taong malapit nang matapos ay ang pagratsada ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Championships na dito pa sa ating bansa ginanap noong Agosto.
Sa ilalim ni coach Chot Reyes at sa pangunguna ng mga pangunahing manlalaro ng PBA, tinalo ng Gilas ang South Korea sa semifinals at kahit natalo nga sila sa Iran, sapat na ito para makuha ng ating bansa ang isa sa tatlong puwestong nakalaan sa Asya para sa FIBA World Cup na gagawin sa Espanya sa susunod na taon.
Bukod sa FIBA Asia, makasaysayan din ang 2013 dahil sa unang pagkakataon, ginanap dito sa ating bansa ang isang pre-season na laro ng NBA sa Mall of Asia Arena kung saan tinambakan ng Houston Rockets ang Indiana Pacers, 116-96.
Bukod dito, dumating din sa Pilipinas ang ilang mga superstars ng NBA tulad nina LeBron James, Kobe Bryant at Derrick Rose at talagang dinumog ng mga tao ang kanilang pagbisita.
Ang tagumpay ng Gilas ay inulit ng Sinag Pilipinas na muling naghari sa men’s basketball sa Southeast Asian Games sa Myanmar habang ang U-16 na koponan ng Pilipinas ay nakapasok din sa finals ng FIBA Asia U16 sa Malaysia at nakakuha ng puwesto sa FIBA World U16 Championships sa Dubai sa susunod na taon.
Dito sa atin, tatlong koponan ang naghari sa tatlong torneo ng PBA sa ika-38 na season kung saan muling namayagpag ang Talk ‘n Text sa Philippine Cup habang dinala ng baguhang coach na si Luigi Trillo ang Alaska sa korona ng Commissioner’s Cup at nagkampeon naman ang San Mig Coffee sa Governors’ Cup.
Naging kontrobersiyal para sa PBA ang isyu tungkol sa TV coverage ng liga nang umalis ang Sports5 sa IBC 13 at nalipat sa TV5 kung saan tanging ang ikalawang laro ay pinalabas nang live sa primetime habang sa Aksyon TV 41 inere ang unang laro kaya umangal ang mga manonood.
Sa 2013 din nasaksihan ang muling paghahari ng De La Salle University sa UAAP nang tinalo ng Green Archers ang University of Santo Tomas sa isang makapigil-hiningang serye na tinampukan ng duwelo ng magkapatid na Jeron at Jeric Teng na humantong pa sa pagsikat nila sa showbiz.
Bukod sa UAAP, naghari rin ang La Salle sa Philippine Collegiate Champions League.
Sa NCAA naman, dinala ng baguhang coach na si Boyet Fernandez ang Red Lions sa muli nilang pagkampeon.
At sa PBA D League, pinutol ng Blackwater Sports ang paghari ng North Luzon Expressway nang tinalo ng Elite ang Road Warriors sa finals ng Foundation Cup noong Hunyo. (JAMES TY III)