SA pagnanais na maitago ang kanyang kasalanan, itinapon na lang ng isang jeepney driver matapos itakas sa pagamutan ang bangkay ng kanyang nabundol na matandang binata sa loob ng sementeryo sa Malabon City kahapon ng tanghali.
Kinilala ang bangkay na si Rodolfo de Vera, 54-anyos, ng #132-1 Rodriguez St., Sangandaan, Caloocan, nang ma-rekober ng mga awtoridad matapos ituro ng isang nakakita sa bangkay.
Sa isinagawang follow-up operation ay nasakote ang suspek na si Ronaldo Verdadero, 46-anyos, driver ng jeep (PSJ-746), may rutang Sangan-daan-Divisoria, nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.
Sa ulat ng pulisya, dakong 12:30 kahapon nang mabundol ng minamanehong jeep ng suspek ang biktima habang naghahalukay ng basura malapit sa Tugatog Cemetery.
Lasog-lasog ang katawan ng biktima na agad isinugod ng suspek sa Caloocan Medical Center (CMC) pero habang naghihingalo ang biktima ay itinakas ni Verdadero at dinala sa nasabing sementeryo at doon ay basta na lamang iniwan.
Sa tulong ng barker na si Fundador Bulan, naituro sa mga awtoridad ang bangkay ng biktima na naging dahilan upang maaresto ang suspek.
ni Rommel Sales