ANG pork barrel scam ay isa sa malalaking political scandal na yumanig sa buong burukrasya ng Filipinas sa taon 2013.
Ito ay kaugnay sa sinasabing maanomalyang paggamit ng ilang senador, kongresista at ahensya ng gobyerno sa kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) o lump sum discretionary fund ng mga mambabatas na para sana sa kanilang “priority development projects.”
Simula noong 2008, ang bawat miyembro ng House of Representatives ay may taunang PDAF allocation na P70 million habang ang bawat senador naman ay mayroong annual allocation na P200 million.
Maging ang pangulo ng bansa ay nakikinabang din sa PDAF-like allocation, ang President’s Social Fund (PSF) na tinatayang nasa P1 billion.
Buwan ng Hulyo nang unang pumutok ang anomalya, sa gitna ng kasong serious illegal detention na kinasangkutan ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles na isinampa ng pamangkin na si Benhur Luy.