NAGPAALALA kahapon ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa publiko kung saan naglabas ito ng anim na payo upang maiwasan maputukan at maging ligtas sa pagpasok ng Bagong Taon.
Sa kanilang Facebook account na NCRPOReact, merong “Iwas-Paputok tips” na pinapayuhan ang publiko na huwag bumili ng mga paputok na hindi nakalagay kung anong kompanya ang gumawa nito. Delikado ang mga produkto dahil hindi subok ang kalidad.
Ikalawa, paalala ng pulisya na iulat ang mga nagbebenta ng paputok na walang tatak sa pulis o mag-text sa PNP Text 2920.
Ikatlo, huwag hayaan na magpaputok o maglaro ng watusi ang mga bata lalo na kung walang kasamang matanda.
Ikaapat, huwag gamiting panakot o biro ang mga paputok, baka maka-aksidente.
Ikalima, huwag magsunog ng lumang gulong sa kalye.
At pang-anim , kung maari, huwag gumamit ng paputok, PVC boga, watusi o baril sa pagsalubong ng Bagong Taon. Manood na lamang sa nakatakdang mga pampublikong pamputukan.
Sa datos ng Department of Health (DoH), tumaas sa 140 ang biktima ng paputok na karamihan ay mga bata.
(JAJA GARCIA)