MARAMI sigurong pagdadalawang-isip ngayon ang Malacañang hinggil sa kalagayan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Pinapayuhan kasi ng Simbahang Katoliko si Pangulong Benigno Aquino III na dalawin ang kanyang predecessor.
Dumalaw na raw kasi sina FVR at Erap kaya dapat lang din daw na dumalaw si PNoy.
Sa ating personal na palagay, HINDI magandang tingnan na dumalaw si PNOY, ngayong siya ay nanunungkulang Pangulo ng bansa sa isang dating Presidente na kinasuhan ng gobyerno ng PANDARAMBONG.
Hindi ito usapin ng politika kundi usapin ng delicadeza.
Hindi ba’t magiging insulto o kaplastikan ito kapwa kay GMA at sa sambayanang Pinoy?!
Kung ang pagdalaw ay bilang estudyante sa kanyang dating guro, maaari naman magpadala ng emisaryo ang Pangulo.
Ito ay hindi kayabangan o arogansiya kundi pag-iingat sa panig ng Pangulo. Lalo’t siya ang pinuno ng gobyernong naghain ng kasong pandarambong (plunder) sa dating Pangulo.
Magiging kapani-paniwala pa ang Pangulo kung ipagdarasal niya ang kalagayan ni GMA kaysa ipakita niya ang mukha niya sa panahon na malala ang kalusugan ng babaeng ex-president.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com