KRITIKAL ang kalagayan sa pagamutan ng isang panadero habang patuloy na ginagamot ang tatlong kasamahan dahil sa pagsabog ng tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) sa pinapasukang panaderya kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Kinilala ang mga biktimang ginagamot sa Manila Central University (MCU) hospital na si Ayin Ensoroliso, na halos lapnos ang harap ng katawan, at kasamahan niyang sina Rodolfo Villamor; Estelita at Erwin Libod, sanhi ng second degree burns.
Sa ulat ni SFO4 Alexander Maequez, fire investigator ng Caloocan BFP, dakong 1:30 ng madaling araw nang masunog ang Park ‘n Go Bakery nasa Samson Road at Lapu-Lapu St., ng nasabing lungsod.
Nabatid na naghahanda ang mga biktima para sa pagluluto ng tinapay at sisindihan na ang pugon nang biglang sumabog ang LPG tank na nakakabit dito.
Nauna rito, nakaamoy ang mga biktima ng sumingaw na LPG hanggang sumabog at sumingaw sa chimney ng bakery.
(rommel sales)