IKATLONG sunod na panalo ang puntirya ng SanMig Coffee kontra Alaska Milk sa kanilang pagkikita sa PLDT myDSL PBA Philippine Cup mamayang 8 pm sa Mall of Asia Area sa Pasay City.
Magtutuos naman ang Rain or ShiNE at Barako Bull sa unang laro sa ganap na 5:45 pm.
Sa unang pagkakataon sa kasalukuyang season ay nagkaroon ng winning streak ang SanMig Coffee nang talunin nito ang Barako Bull (90-88) at Globalport (83-80) para sa 3-5 record.
Subalit sinasabi ni coach Tim Cone na marami pa siyang kailangang ayusin sa kanyang koponan upang maipagpatuloy nila ang pag-angat sa standings.
Aniya, malaking bagay ang pagbalik buhat sa unjured list nina James Yap, Peter June Simon at Joe DeVance dahil sa hindi na mapupuwersa ang kanyang mga rookies.
Ang Aces ay may 3-6 record at galing naman sa 96-89 pagkatalo sa nangungunang Barangay Ginebra San Miguel.
Inamin n coach Luigi Trillo na hanggang ngayon ay nagtataka siya kung bakit sumasadsad ang kanyang koponan sa kabila ng pangyayaring walang pagbabagong naganap sa kanyang line-up.
Si Trillo ay patuloy na sumasandig kina Calvin Abueva, Cyrus Baguio, Sonny Thoss, JVee Casio at Dondon Hontiveros.
Ang Rain or Shine at Barako Bull ay kapwa galing sa panalo. Pinatid ng Elasto Painters ang seven-game winning streak ng Petron Blaze noong Linggo upang manatili sa ikaapat na puwesto sa record na 5-3. Pinatid naman ng Energy ang kanilang six-game losing skid nang iposte nila ang ikatlong panalo laban sa Meralco, 99-86 noong Linggo.
Ang Rain or Shine ay pinamumunuan nina Gabe Norwood, Jeff Chan, Paul Lee, Beau Belga at Raymond Almazan.
Makakaduwelo nila sina Willie Miller, Ronjay Buenafe, Rico Maierhofer, Mick Pennisi at Dorian Pena.
(SABRINA PASCUA)