MATAPOS ang nabistong multi-milyong bukulan umano sa Pasay City – SMLI 300 hectares reclamation project, heto’t maugong naman ang balita na walang tigil daw sa ‘panggagapang’ ang kampo na pabor matuloy ang paglamon ng lupa sa bahaging iyon ng Manila Bay.
Bago mag-Pasko, Disyembre 21, to be exact, medyo lumamang na raw ang grupo ng mga Konsuhol ‘este mali’ Konsehal na pumapabor sa pagbawi ng naunang tatlong resolusyon kaugnay ng P54.5billion unsolicited proposal project ng SM Land Inc., (SMLI).
Pasintabi po (kung hindi naman lahat) pero karamihan daw sa mga ‘nahilot’ e last termer councillors?
Sino-sino naman kaya ‘yang mga last termer na ‘yan?
Kasama kaya si Konsehal ‘praise the lord’ Vendivel?
Ang ‘lansa-lansa’ na talaga ng project na ‘yan ng Pasay City at SMLI. ‘Yung Philippine Reclamation Authority (PRA) nga mismo, ay pinaalalahanan na ang Pasay City Public-Private Partnership Selection Committee (PPP-SC) na huwag gamitin ang pangalan nila sa ‘gusot’ na pinasok ng Konseho.
Ano ang ‘GUSOT’ na ito?!
‘Yung dahil sa isang ‘misteryosong dahilan’ ay biglang inparubahan ng Konseho ang reclamation project na ini-offer ng SMLI na hindi nagbubukas ng bidding o oportunidad sa iba pang kompanya na nagpahayag ng interes gaya ng Ayala Land?!
Kung bakit daw ganoon ang nangyari ay dahil doon sa sinasabing ‘misteryosoong dahilan’ na ang nagkakaalaman lang daw ay ang ‘3B’ ni Pasay City Mayor Antonino ‘Cash-lixto’ ‘este’ Calixto at Kamaganak Inc.
Supposedly ay ‘ayos’ na ito pero ‘SUMINGAW’ nga kung ano ang nasa LIKOD ng ‘misteryosong dahilan’ kaya laban o binawi ng Konseho ang resolusyon na pumapayag sa nasabing proyekto.
Mukhang lumobo na ang ‘BUKOL’ sa kanilang mga ulo nang nabuyangyang ang ‘misteryosong dahilan.’
Kaya naman daw biglang nagkumahog ‘yung ‘3B’ at ‘yung Kamaganak Inc., sa panggagapang daw sa Konseho?
Kaya noong Disyembre 5, ang Sanggunian Resolution Nos. 3040, 3046, 3049 ang ‘pinagdurugan’ ng utak ng Konseho.
Magugunitang sa sa Resolution No. 3059, Series of 2013, napagkasunduan ng 12 konsehal, ng vice mayor ng Pasay City, at Panggulo ‘este’ Pangulo ng Liga ng Mga Barangay Konsi Ma. Antonia Cuneta na i-recall nila ang Reso No. 3040, 3046 at 3049.
Nang i-recall ang nasabing pinakamahalagang Sanggunian Resolution, nag-panic ang mga pumapabor sa SM Land Inc.
Nitong Disyembre 21, ang kampo na pinamumunuan ni Councilor Richard Dracula ‘este’ Advincula ay nag-meeting DAW sa Midas Hotel sa Roxas Blvd., Pasay City habang ang kabilang kampo na sina presiding officer and Vice Mayor Marlon Pesebre ay sa Sofitel Hotel naman DAW nag-uusap.
Vice Mayor Pesebre and Councilor Allan Panaligan totoo bang ini-abandon n’yo na sina Konsehal Advincula?
Prinsipyo raw kasi ang ipinaglalaban nina Konsi Advincula sa P54.5 billion SM Land Inc., project sa reclaim (offshore-shore area) ng Manila Bay.
Kinompirma rin ni Konsi Advincula na as of last Saturday ay ‘naligawan’ na ni VM Pesebre at ni Yorme ang pitong konsehal na nauna nang pumirma at sumang-ayon na i-recall ang tatlong Sanggunian resolutions.
Kung hindi tayo nagkakamali, sila ay sina Lex Ibay, Ian Vendivel, Rey Padua, ang anak niyang si Aillen Padua, Grace Santos, Obet Alvina at Allan Panaligan.
Ansabe, hindi na raw nakapagtataka ang muling pagpanig kay Mayor Calixto ni Konsi Vendivel. Dahil ‘friends of all times’ naman talaga silang dalawa.
Dalawang araw bago ang Pasko (Disyembre 23), isang special session ang inilatag ng KONSEHO.
Muling tinalakay ang legalidad ng SM Land Inc.
Kung ano ang resulta ng ‘SPECIAL SESSION’ na ‘yan ay aabangan natin.
Abangan natin kung hanggang saan aabutin ang ipinaglalabang prinsipyo nina Councilors Richard Advincula, Rey Advincula, Moti Arceo, Bong Tolentino at lady Konsi Roxas.
Ang malungkot dito, baka sa ‘haba ng laban’ ‘e ‘NAHUROT’ na ang ‘misteryosong dahilan.’
Tsk tsk tsk …
Bukol sa dilang bukol ‘yan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com