NAGPALABAS ng 60-day temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court (SC) laban sa power rate hike ng Manila Electric Company (Meralco).
Bagamat naka-break ang session ng SC, may kapangyarihan si Chief Justice Maria Lourdes-Sereno na magpalabas ng TRO na kukumpirmahin ng Supreme Court en banc sa pagbubukas ng kanilang sesyon sa Enero 2014.
Iniutos din ng SC ang oral argument sa naturang usapin na itinakda sa Enero 21.
Noong nakaraang linggo, dalawang petisyon kontra sa big time power rate hike ng Meralco ang inihain sa Korte Suprema.
Kabilang sa mga dumulog sa SC ang grupong Nasecore at mga militanteng mambabatas na kinabibilangan nina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Carlos Isagani Zarate, Gabriela Rep. Luz Ilagan, Act Teachers Rep. Antonio Tinio at Kabataan Party-List Rep. Terry Ridon.
Una nang hiniling ng mga petisyuner na magpalabas ang hukuman ng TRO laban sa power rate hike na P4.15 dahil sa sinasabing grave abuse of discretion sa panig ng ERC nang aprubahan nito agad ang power rate hike ng Meralco nang hindi man lamang muna hinihingi ang panig ng mga kustomer na siyang itinatakda ng batas at ng umiiral na jurisprudence.
TRO NG SC KINILALA NG PALASYO
IGINAGALANG ng Palasyo ang pagpapatigil ng Korte Suprema sa ipatutupad na bigtime power rate hike ng Manila Electric Company (Meralco).
Ani Presidential Spokesman Edwin Lacierda, ang Kataas-taasang Hukuman ang laging may ganap na awtoridad na magpasya sa mga kasong may kaugnayan sa pambansang interes kaya hinihintay rin ng Malacañang ang pinal na desisyon nito hinggil sa isyu ng power rate hike.
“The Supreme Court has always been the final arbiter of any case brought before it especially when the issue is of national importance. We wait for the Supreme Court to rule with finality the power rate hike,” aniya pa.
Kahapon, naglabas ng 60-araw na temporary restraining order ang Korte Suprema para pigilan ang implementasyon ng Meralco ng P4.15 /kWh na sisingilin ng hulugan sa consumers ngayong Disyembre, Pebrero at Marso 2014, matapos aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) noong Disyembre 9.
Ang TRO ay bunsod sa inihaing dalawang petisyon, ng Makabayan bloc ng Kamara de Representantes nina Bayan Muna party-list Reps. Neri Colmenares at Carlos Isagani Zarate; Gabriela party-list Rep. Luz Ilagan; Act Teachers party-list Rep. Antonio Tinio at Kabataan party-list Rep. Terry Ridon, at isa pang petisyon mula sa National Association of Electricity Consumers for Reforms (Nasecore), Federation of Village Associations (Fova), at Federation of Las Piñas Homeowners Association (Folpha).
(ROSE NOVENARIO)