SINIPA nina Kirstie Elaine Alora at Kristopher Robert Uy ang medalyang ginto sa taekwondo upang ihabol sa medal standings ng Pilipinas sa pagtatapos ng 27th Southeast Asian Games kahapon sa Wunna Theikdi Stadium sa Nay Pyi Taw Myanmar.
Binarog ni Alora si London Olympian Sorn Davin ng Cambodia, 6-4, sa women’s heavyweight (+73kg category) habang binigwasan ni Uy si Quang Duc Dinh ng Vietnam, 7-6, sa men’s +87kg category.
Kinapos naman si Francis Agojo sa men’s fly (54kg) finals at sina finweight Mary Anjelay Pelaez at middleweight Jane Rafaelle Narra na parehong nagkasya sa bronze.
Nabitin tuloy ang asam ng Pilipinas na maka-30 ginto sa nasabing biennial meet kaya nanatili ang bansa sa pang-pitong puwesto sa 11 bansang naglaban-laban.
Nakalikom lang ng 29-gold, 34-silver at 37-bronze ang Team Philippines, pinakamababang tinapos sapul nang lumahok noong 1977.
Ginamitan ni Alora ng utak ang mas matangkad na katunggali upang sikwatin ang panalo at iuwi ang karangalan sa Pilipinas.
Samantala, naiuwi ng Philippine chess team na sina GMs Darwin Laylo, Rogelio Antonio Jr., John Paul Gomez at Eugene Torre ang silver.
Tabla ang PH woodpushers sa Thais, pero natalo sa tiebreak. (ARABELA PRINCESS DAWA)