ILOILO CITY – Kasunod nang nangyaring kalamidad dahil sa pananalasa ni super typhoon Yolanda, inaprubahan ng Regional Tripartite Wages Productivity Board sa Region 6 ang hinihiling na pagpapaliban sa pagpapatupad ng P10 na wage increase sa minimum wage earners sa private sector sa Western Visayas.
Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Reg. 6 Director Ponciano Ligutom, ipinagpaliban muna sa loob ng anim na buwan ang implementasyon ng wage hike na nagsimula na noong Nobyembre 29.
Ngunit nilinaw niyang ito ay sa mga lugar lamang sa Region 6 na sinalanta ng bagyo base sa ilalabas na sertipikasyon ng Office of Civil Defense.
Sa mga lugar na hindi sinalanta ng bagyo, tuloy ang pagpapatupad ng umento sa sahod.
Sa loob ng anim na buwan, magsasagawa ng konsultasyon ang wage board kung ipatutupad pa ang wage hike sa mga lugar na tinamaan ng bagyo o tuluyan na itong ikansela.
(L.BASILIO/B. JULIAN)