Pasko na.
Ramdam na ramdam na ito ngayon.
Nakasisilaw ang patay-sindi at kutitap ng Christmas lights at parol, naglalakihan o maliit man, na nagsabit sa mga building at mga bahay.
Mas nakakairita na rin ang traffic na pinalala ng ‘santambak na sasakyan ng mga dumadagsa sa mga mall, naaakit ng mga “sale” at “discount” na gimik ng maraming store; ang maagang nagba-bonding sa Star City, Mall of Asia, at Enchanted Kingdom, na sa dami ay puwede nang tapatan ang mga tagasunod ng El Shaddai.
Kapansin-pansin din ang biglaang pagdami ng mga dinner-show ticket sa mga opisina, nightclubs at restaurants para sa iba’t ibang Christmas specials.
Sa tagong raket ngayong Pasko, ilang pulis ang namumudmod ng mga envelope na walang laman (at may pangalan nila) sa mga nightspot sa pangakong babalik doon, kahit puno na, ilang araw bago mag-Pasko. Dumami rin ang mga bugaw at prostitutes sa mga kilalang sex spots, gaya ng Quezon Avenue, LRT Monumento Station, at ng plaza sa harap ng Aristocrat Restaurant at Malate Church sa Maynila.
Para ba’ng kahit saan pumunta at kahit anong gawin ngayong panahon ay maliwanag na gastos ang katumbas.
Kaya naman nagiging Santa ang bawat isa sa atin. Walang kaso ‘yan.
Pero posibleng iilan lang ang may gustong maging isang hindi magastos na Kristiyano ngayong Pasko. Dito tayo may problema.
Sa ngayon, sa pamumuhay sa material world ni Madonna, ang Pasko ay ang pagkakaroon ng maraming panahon sa paggastos kaysa paglalaan ng mga oras sa Sanggol na ipinagdiriwang natin ang pagsilang. Sa totoo lang, marami sa atin ang nakalimot na sa tunay na kahulugan ng Pasko.
Totoo nga na commercialized na ang Pasko, tsk!
E, kung isapuso na lang natin ang “Price Tag” ni Jessie J?
“It’s not about the money, money, money.
We don’t need your money, money, money.
We just wanna make the world dance.
Forget about the price tag.”
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.