NAKASALAKSAK pa sa bunganga ng isang 23-anyos bebot ang kutsilyo na ginamit na panaksak ng kanyang live-in partner na service crew ng Jollibee, nang mabungaran ng nagres-pondeng pulis sa Tondo, Maynila, iniulat kahapon.
Kinilala ang biktimang si Kimberly Hernandez, live-in partner ng naarestong suspek, si Dennis Ryan Pangan, 24, service crew ng isang branch ng nasabing fastfood chain sa Recto, kapwa residente ng 2118 F. Almeda St., Tondo.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Glenzor Vallejo, dakong 12:40 ng madaling araw nang madiskubreng patay ang biktima sa loob ng kanilang kuwarto nasa ikalawang palapag.
Nauna rito, nakipag-inuman ang biktima kina Daniela at Renzo, dakong 9:00 p.m. hanggang 12:00 ng madaling araw sa isang bakanteng lote, malapit sa kanilang bahay at nang matapos ay naunang umuwi ang biktima upang magpahinga.
Dakong 12:40, sumunod sina Daniela at Renzo sa bahay ng biktima, upang isoli ang ginamit na DVD player at speaker .
Pagbukas ni Daniela ng ilaw ay bumulaga sa kanilang harapan ang biktima na nakahiga sa kahoy na kama na nakabulagta at nakatarak pa ang kutsilyo sa kanyang bunganga.
Agad humingi ng tulong si Daniela sa barangay at inireport sa MPD-Jose Abad Santos Police Station 7 ang insidente.
Dakong 5:00 ng umaga nang makitang tumatakbo ang suspek sa Ipil St., Tondo, na may dalang backpack kaya agad itong inaresto ng mga opisyal ng barangay.
Ayon sa pulisya, posibleng selos ang dahilan ng pagpaslang ng suspek sa kanyang ka-live-in dahil madalas umano itong nakikipag-inuman tuwing nasa trabaho ang suspek.
Nakakulong ngayon sa MPD-headquarters ang suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.
(leonard basilio)