Napagtagumpayan noong Lingo ni Kid Molave na hablutin ang titulo bilang Juvenile Champion matapos pakainin ng alikabok ang mga kalaban nito sa pagtatapos ng 14th Philtobo Grand Championship sa Santa Ana Park, Naic Cavite.
Sa mahusay na pagdadala ni Jockey Jessie B. Guce, magaan na naitawid nito ang Kid Molave sa finish line ng 1,600 meters.
Kinubra ni Horse Owner Manny Santos ang P1.780 milyon na unang premyo sa pagwawagi ni Kid Molave habang pumangalawa ang dehadong Fairy Star na nag-uwi naman ng P.675 milyon.
Ayon kay Santos ihahanda niya si Kid Molave sa mga malalaking pakarera ngayon darating na 2014 na hinuhulaang magiging mabigat na kontender sa Triple Crown championship.
Tinanghal naman na kampeon sa Philracom-Philtobo Juvenile Fillies Championship ang Up and Away, matapos talunin nito ang mahigpit na karibal at llamadong si Love Na Love, na mula sa kuwadra ni Hermie Esguerra.
Walang kahirap-hirap na napagwagian ng alaga ni dating Commisioner Jun Sevilla na Tensile Strength ang Philtobo Classic Cup matapos tawirin ang 2,000 meters, pumangalawa ang Sulong Pinoy.
Pasasalamat ang ipinarating ni Philtobo President Nonoy Niles sa suporta na ibinigay ng bayang karerista.
Ni andy yabot