CAGAYAN DE ORO CITY – Na-stranded ang umaabot sa 677 pasahero na sakay ng MV Trans Asia-5 na mula Cagayan de Oro City at may byaheng papuntang Cebu City.
Inihayag ni Philippine Coast Guard (PCG) Northern Mindanao spokesperson Lt. Commander Eliezer Danlay, biglang nawalan ng enerhiya ang makina ng barko dahilan upang hindi na ito makapagpatuloy sa paglayag sa daungan ng Cebu.
Sinabi ni Danlay, dahil sa sitwasyon ay nagpalutang-lutang na lamang ang barko sa karagatang bahagi ng Siquijor at Bohol provinces.
Kaugnay nito, nagresponde naman ang PCG Cebu sa kinaroroonan ng barko upang magsagawa ng rescue operation.
Samantala, ligtas naman ang lahat ng mga pasahero sa nabanggit na barko.
Una rito, umalis ang barko sa Macabalan Port sa lungsod ng Cagayan de Oro dakong 8 p.m. kamakalawa at inaasahang darating sana bandang 6 a.m. sa Cebu Port.