BUMALANDRA muna sa kaliwang barandilya ang Don Mariano Transit bago nahulog sa Skyway sa Bicutan, Taguig. Kinompirma ang pagkamatay ng 18 pasahero (makikita sa larawan) at grabeng pagkasugat ng 16 iba pa. (JERRY SABINO)
Sa ulat ni SPO2 Ma. Isidra Dumlao, ng Highway Patrol Group, kinompirma niya na 18 ang namatay habang 16 ang sugatan kabilang ang driver ng bus (UVC 916) na sinasabing nasa kritikal na kondisyon, si Carmelo Calatcat at driver ng closed van (ULX 874) na si Gilbert Montallana.
Pito sa mga namatay ay kinilalang sina Roberto Bautista, Rodel Tolentino, Joey Eponilla, Ramon Labang, Jr., Rollie Borres, Roger Ortejo at Maryann Soperio.
Dinala sa Parañaque Doctor’s Hospital ang sampung sugatan at apat sa Parañaque Medical Center, isa sa South Superhighway Medical Center at dalawa sa Ospital ng Muntinlupa.
Naunang iniulat ng isang rumesponde sa lugar ng aksidente, na nasa 22 ang namatay base sa kanilang talaan.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Sid Dumlao, dakong 5:00 ng madaling araw, umuulan nang mahulog mula sa Skyway ang pampasaherong bus, may plakang UVC 916, patungong Pacita, San Pedro, Laguna at bumagsak sa nagdaraang van ng Patcoby Logistics Inc., (ULX 874), sa west service road ng SLEx.
Sa pahayag ng isa sa sugatang pasaherong si Ryan, mabilis ang pagpapatakbo ng driver na si Calatcat sa bus hanggang mapansin nila na pagewang-gewang ang andar nito hanggang hindi na makontrol ang manibela.
Kaagad umano siyang lumayo sa driver at humawak ng mahigpit sa isang bakal nang tuluyang bumagsak sila sa Skway. Laking pasasalamat niya at nakaligtas siya sa kamatayan.
Ayon naman sa nagngangalang Irene, habang binabaybay nila ang Skyway at tumatakbo ng maximum speed na 80kph, nag-overtake ang Don Mariano bus na sa tingin niya ay tumatakbo ng higit sa 100kph na nakita niya nang deretsong mahulog ang bus.
Ayon naman kay Skyway Communications officer Ivy Vidal, patuloy ang pagsisiyasat sa kuha ng kanilang “closed circuit television (CCTV) camera” sa naturang lugar. Hindi umano basta bibigay ang railings ng Skyway na international standard ang pagkakagawa maliban na lamang kung sobrang bilis at lakas ng impact ng sasakyan.
ni JAJA GARCIA
Sa Cebu
2 PATAY, 20 GRABE SA BUS NA BUMALIGTAD
Patay ang dalawa katao habang sugatan ang 20 pa, matapos bumaligtad ang isang pampasaherong bus sa Balhaan, Badian, Cebu, kahapon dakong 7:18 ng umaga.
Hindi pa nakikilala ang dalawang namatay na isang babae at isang bata sanhi ng matinding bugbog sa ulo at agad namang dinala sa Badian District Hospital ang mga nasugatan.
Matapos ang aksidente ay tumakas agad ang driver ng Ceres bus na galing sa Samboan at patungo ito sa lungsod ng Cebu. (Beth Julian)
Sa Olongapo
2 Victory Liner NAGSALPUKAN 55 SUGATAN
Dalawang pamsaherong bus ang nagbanggaan na ikinasugat ng 55 pasahero sa National Highway Purok 12, Barangay Old Cabalan, Olongapo City.
Sa report ng Traffic Enforcement Division ng Olongapo City Police Office, sugatan at nabalian ng buto ng mga pasahero ng dalawang bus ng Victory Liner.
Nabatid, nagkasalubong ang ordinary bus na may plakang CXG-108, minamaneho ni Jerome Faustino, 25, ng San Marcelino, Zambales at air-conditioned bus, may plakang CXB-481, minamaneho ni Emilio Ocampo, ng Plaza Burgos, Guagua, Pampanga.
Sa ulat, dahil mabilis ang takbo kaya aksidenteng nagbanggaan ang dalawang bus pagliko sa pakurbadang kalsada.
(Beth Julian)
78 UNITS NG DON MARIANO SINUSPINDE
Pinatawan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30-araw suspensyon ang prangkisa ng 78 units ng Don Mariano Transit Corporation, sanhi ng aksidente.
“Dahil na rin po sa mga past record nito, nagdesisyon po kami with clearance ng ating (secretary) ng DOTC na suspendihin pansamantala ng 30 araw ang prangkisa po, ang buong fleet ng Don Mariano,” ani LTFRB Chairman Winston Ginez.
Ayon kay Ginez, matapos niyang makausap ang may-ari ng kompanya, kusa nitong pina-recall at pinabalik sa garahe.
Idinetalye ni Ginez na bagamat nasangkot na ang mga bus ng Don Mariano sa iba pang aksidente, ang nangyari kahapon ang pinakamalala.
Dagdag ni Ginez, sakaling mapatunayang may pagkukulang ang driver ng bus, maaari itong patawan ng criminal liability.
Nakatakdang suriin ng LTFRB ang road worthiness ng mga bumibyaheng bus ng Don Mariano.
DON MARIANO BUS NASA ‘MOST DANGEROUS’ LIST
DATING kabilang sa listahan ng “most dangerous bus operators” ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang Don Mariano Transit, na nasangkot sa madugong aksidente sa lungsod ng Taguig na ikinamatay ng mahigit 20 katao.
Ayon kay LTFRB chair Wilson Ginez, noong 2011 napabilang sa nasabing listahan ang bus operators dahil sa dami ng kaso ng aksidenteng kinasangkutan nito.
Agad namang ipinagutos ng LTFRB ang pagsasailalim sa preventive suspension ng lahat ng 78 units ng Don Mariano Transit, habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa pinakabagong aksidente.
Sa kwento ng isang pasahero na si Ryan, sumakay siya ng bus sa bahagi ng Cubao sa Quezon City para pumasok sa trabaho sa Alabang, Muntinlupa.
Dahil Lunes at maaga pa ay napansin niya na marami ang pasahero at ang iba ay inaantok pa.
Mabilis aniya ang pagpapatakbo ng driver sa bus habang nasa skyway sila.
Nagulat si Ryan, 25, nang mag-crisscross ang bus hanggang sa bumagsak sila sa kabilang side.
Para kay Ryan na dumanas lamang ng sugat sa kamay, milagro pa rin at nakaligtas siya at nagpapasalamat na siya buhay pa.