BUKOD sa checkpoints, magpapakalat din ng “undercover” operatives ang Philippine National Police (PNP) para matiyak ang seguridad at kaligtasan ng publiko, sa pagsisimula ngayon ng tradisyonal na “Simbang Gabi.”
Sa lungsod ng Maynila, sinabi ni MPD head, C/Supt. Isagani Genabe Jr. na magtatayo sila ng checkpoints malapit sa mga simbahan para matiyak na hindi makakapanamantala ang mga masasamang loob.
Kabilang din aniya sa kanilang binabantayan ay ang ilang grupo ng mga kabataan na malimit pinagmumulan ng gulo at rambol.
Pinayuhan naman ng opisyal ang mga magsisimba na iwasan na ang pagsusuot at pagdadala ng mga alahas at electronic gadgets.
Simula Disyembre 16, mag-uumpisa na ang “nine-day countdown” ng mga Filipino sa pagsapit ng Christmas Day.
Una rito, tutol si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa pagsasagawa ng Simbang Gabi sa shopping malls.
Sa inilabas na circular ni Cardinal Tagle, sinabi niyang hindi nila papayagan na gawin ang Simbang Gabi sa malls kung wala silang chapels.
Giit ng cardinal, ayaw nilang ipagdiwang sa hallways o corridors ang kabanalan ng mahal na misa sa shoppers.
Kasunod nito, hinimok ni Tagle ang lahat na panatilihin ang nakagawiang Misa de Gallo dahil dito nanggagaling ang mayamang pananampalataya ng mga tapat na lingkod ng Diyos.