Nalitson nang buhay ang isang 6-anyos nene habang sugatan ang dalawa niyang kapatid nang masunog ang kanilang bahay sa Barangay Parian, Cebu City.
Tostado ang buong katawan ng biktimang si Maria Alexa Botoc, 6, nang madiskubre ang kanyang bangkay matapos maapula ang sunog na tumagal ng 30 minuto.
Dinala sa ospital ang dalawa niyang kapatid na sanhi ng first degree burns.
Ayon kay Cebu City Fire Marshall Supt. Rogelio Bongabong, pumasok sa trabaho ang ina ng magkakapatid at naiwan silang natutulog.
Umabot sa P.4 milyon ang inisyal na danyos sa sunog na umabot sa third alarm.
200 pamilya Homeless sa apoy
Tinatayang 200 pamilya ang nawalan ng tahanan sa Luzon Avenue, Quezon City, Sabado ng madaling araw.
Batay sa imbestigasyon, sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ni Esperanza Pael, sa Area 2, Old Balara, dakong 4:00 ng madaling araw.
Kumalat ang apoy at natupok ang tinatayang 60 kabahayan.
Isang lalaki ang nakoryente pero agad nabigyan ng paunang lunas.
Umabot sa ikaapat na alarma ang sunog bago naapula ng mga nagrespondeng bombero.
Ang naiwang kandila sa bahay ni Pael ang sinasabing dahilan ng sunog.
Inaasahang sa covered court magpa-Pasko ang karamihan sa mga nasunugan.
ni Beth Julian