PINAAALIS sa pwesto ng Commission on Elections (Comelec) ang 424 local elected officials, kasama ang 20 congressmen dahil sa kabiguang sumunod sa batas ng poll body.
Sinabi ni Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr., ang naturang mga opisyal ay nabigong maglabas ng kanilang Statement of Election Contributions and Expenditures (SOCE).
Kabilang sa pinabababa sa pwesto sina Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon, Batangas Gov. Vilma Santos, Pasay City Mayor Tony Calixto at Pangasinan Gov. Amado Espino.
Giit ng Comelec, kinakailangan bakantehin ng 424 elected officials ang kani-kanilang tanggapan kung hindi sila susunod sa batas.
“Alam naman nila ito, pero hindi sila sumusunod,” wika ni Brillantes.
Sa kabuuan, kasama sa pinaaalis sa tungkulin ay ang 20 representatives; 11 provincial board members; 4 governors; isang vice governor; 278 councilors; 48 city board members; 35 vice mayors; 26 mayors; at isang assemblyman.
(LEONARD BASILIO)
PALASYO NAGDEPENSA
NANINIWALA ang Palasyo na ipinatutupad lang ng Commission on Elections (Comelec) ang mga batas hinggil sa halalan kaya ipinag-utos sa mahigit 400 halal na opisyal na bakantehin ang kanilang pwesto nang mabigo na magsumite ng statement of election contributions and expenditures (SOCE)sa poll body.
“I think iyong trabaho ng Comelec is to make sure that election rules observed and so I think they’re acting upon that mandate. So the consequences of that is something that they are fully aware of,” ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Tungkulin din aniya ng mga halal na opisyal na sumunod sa lahat ng patakaran kaya’t bahala na sila kung anong hakbang ang gagawin matapos ang pahayag ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na lisanin ng 424 opisyal ang kanilang pwesto dahil hindi isinumite ang SOCE.
(ROSE NOVENARIO)