Kinondena ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) ang ilegal na pag-aresto ng Quezon City Police District sa mga aktibista at manggagawa ng Manila Seedling Bank sa North Triangle, Quezon City.
Kabilang sa mga inaresto si Sylva Attala Fortuno, 27, pambansang opisyal ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap, at Joana Orellano, 14, ng Anakbayan North Triangle.
Sila ay binugbog ng mga pulis matapos tumangging magpaaresto kasama ang 13 manggagawa.
Halos 18 oras na nakadetine sa Camp Karingal ang mga inaresto kahit walang pormal na kasong isinampa laban sa kanila.
Si Orellano na isang menor de edad, ay dumanas ng pambubugbog mula sa mga arresting officers ng QCOD at ngayon nasa pangangasiwa ng DSWD.
Samantala, ang grupong KADAMAY, kasama ang Concerned Organizations Opposed to Transfer, Lay-off, Privatization and Demolition due to QCCBD, ay tutol sa pagsasara ng MSB Compound hindi lang dahil mawawalan ng hanapbuhay ang mga nagtatrabaho sa lugar, kundi dahil isang hakbang ito sa pagpapatupad ng Quezon City Central Business District.
Ang QCCBD ay inaasahang wawalis sa kabahayan at kabuhayan ng natitirang 7,000 pamilya sa San Roque at iba pang komunidad sa North at East Triangle.
Ayon sa SAVE Manila Seedling Bank, planong kunin ni Bistek at ng Ayala Land Inc. (sa pangunguna ni ALI-CEO Antonino T. Aquino) ang 6 na ektaryang lupain na inuupahan ng MSB sa National Housing Authority para sa Vertis North Project ng mga Ayala.