INIHARAP ni Bureau of Customs (BoC) police OIC Willy Tolentino sa airport media ang dalawang kilo ng liquid cocaine (12mm) na nasabat sa dumating na overseas Filipino worker (OFW) na kinilalang si Mary Joy Soriano sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa Dubai sakay ng Qatar QR-962 kahapon ng umaga. (JERRY YAP)
Ayon kay Airport Customs chief Mario Alameda, aabot sa dalawang litro ng cocaine na nakasilid sa plastik na botelya ng shampoo ang narekober mula kay Mary Joy Soriano, 25-anyos, tubong Quirino Province.
Sa unang pagkakataon, nakasabat ng liquid cocaine ang pinagsanib na operatiba ng PDEA at Customs na kapag nahanginan ay agad mamumuo at nagiging pulbos.
Posibleng umabot umano sa dalawang kilo ang epektos kapag na-proseso at aabot sa P10 milyon ang market value.
Nanggaling na rin sa Dubai, at iba pang drug hotspots tulad ng Hong Kong, Macau, Thailand at Brazil ang Pinay bago magtungo sa Doha, Qatar.
Nagpakilalang domestic helper ang nahuling Pinay na nagdepensang hindi kanya ang bagaheng kinakitaan ng droga.Minamanmanan umano ng US Drugs Enforcement Agency ang Pinay.
Sasampahan ng kasong smuggling of illegal drugs si Soriano sa DoJ bago isuko sa PDEA para sampahan ng panibagong kaso.
ni Gloria Galuno