Monday , December 23 2024

Militarisasyon sa Customs?

KAHIT ano pang tanggi ang gawin ng Malacañang na walang ‘militarisasyon’ sa pagkakatalaga ng ilang retiradong heneral sa maseselang posisyon sa kawanihan, hindi ito lubos na paniniwalaan ng taumbayan.

Puwedeng patulan ang ideya ng pagtatalaga sa mga retiradong militar at police general sa mga posisyong may kinalaman sa intelligence, law enforcement o seguridad. Bahagi ito ng kanilang propesyon at saklaw ng kanilang trabaho. Ito ang kanilang pinag-aralan at dito sila sinanay. Pero bilang district o port collectors? Paano sila naging kuwalipikado sa nasabing posisyon? Ano ang alam nila sa tax collection? Maliban na lang kung may military taxation sa customs law, pero teka, ibang kuwento na ‘yun.

At sa irrevocable resignation na inihain ni BoC Commissioner Ruffy Biazon noong Lunes, isa rin kayang retiradong opisyal ng militar ang mamumuno sa kawanihan? O isang sibilyan na pang-militar ang kaestriktohan at disiplina sa trabaho—gaya ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Kim Henares?

Sinabi ng mga spy ko sa BoC na mas marami pang dating opisyal ng militar ang papasok sa bureau para pamunuan ang ilang division office. Kapag nagkataon, nakikinita ko na ang iba’t ibang kulay ng military uniform (green, blue o puti) na isusuot sa kawanihan. Puwede na rin palitan ng Malacañang ang pangalan ng Bureau of Customs, at gawin itong Bureau of Costumes.

***

Noong Oktubre, itinalaga si retired General Jesse Dellosa, dating Armed Forces Chief of Staff, bilang Customs Deputy Commissioner for Intelligence.

Noong unang bahagi ng Nobyembre, itinalaga si Ariel Nepomuceno bilang Deputy Commissioner for Enforcement Group ngunit napaulat na inilabas lang ng Palasyo ang kanyang appointment papers may dalawang linggo na ang nakararaan. Bagamat hindi niya natapos ang pag-aaral sa militar at nagpalit ng kurso sa University of the Philippines bago kumuha ng abogasya, kinikilala pa rin siya ng kanyang classmates bilang miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 1987.

Noong nakaraang linggo, walong heneral, tatlo sa kanila ay kaklase ni Dellosa (PMA Class of 1979), ang ini-appoint ni Secretary Cesar Purisima ng Department of Finance, na may hurisdiksiyon sa BoC.

Gaya ng nasabi ko, ang appointment ng mga retiradong militar o pulis, gaya nina Dellosa, Nepomuceno, Alejandro Estomo (sa Customs Intelligence and Investigation Service), at Willie Tolentino (sa Enforcement Security Service), ay madaling i-justify na may kinalaman sa kasalukuyan nilang posisyon dahil saklaw ng law enforcement at seguridad.

Pero ang appointment nina Esteban Castro (Clark International Airport), Elmir de la Cruz (Manila International Container Port), Mario Mendoza (Port of Manila), Roberto Almadin (Port of Cebu), Arnulfo Marcos (Port of Subic), at Ernesto Benitez (Port of Batangas), e, tunay namang nakatataas ng kilay.

Dahil ang appointments ay mula kay Secretary Purisima, may permiso kaya ito ni Pangulong Aquino? Ayokong isipin na meron nga.

Gusto ko’ng maniwala na ang pagtanggi ng Malacañang sa ‘militarisasyon’ ng BoC ay isang paraan lang ng damage control ng Presidential Communications Operations Office.

***

Hindi ito makatwiran para sa mga naghirap sa kolehiyo at masusing nagplano ng kani-kanilang career sa pagpapaka-eksperto sa mga pasikot-sikot ng taxation at revenue collection upang mapalitan lang ng mga retiradong opisyal ng militar na posibleng ituring ang BoC na isang war zone na nangangailangan ng araw-araw na counter-insurgency operations.

Para bang ang pagiging A’er ay isang garantiya sa anumang magandang trabaho o posisyon mula sa napakaraming propesyon at kayang daigin ang sinumang propesyonal na may baccalaureate o master’s degree mula sa isang civilian educational institution.

Pinag-iisipan ko na tuloy na kombinsihin ang anak ko’ng lalaki na mag-shift ng kurso—kalimutan na niya ang dentistry at mag-aral na lang ng military science sa PMA.

Kung may military background, may tsansang isang araw ay maging komisyoner o administrator siya ng isang ahensiya ng gobyerno, o maging ambassador, Cabinet secretary, congressman, senador o malay natin, baka maging Presidente pa!

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

Robert B. Roque, Jr.

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *