SABI nga ni Pasay City mayor Antonino Calixto, ang kanilang siyudad ang larawan ng Philippines my Philippines.
Kumbaga, paglabas ng mga turista sa mga terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang lungsod ng Pasay ang kanilang matutunghayan, kaya nga nandiyan ngayon ang tinaguriang biggest mall in Asia ang SM MOA, nariyan ang Resorts World Manila, ang Marriott Hotel, ang Maxim Hotel at iba pang establisymento na pinupuntahan ng mga turista.
Kung tutuusin, malaki ang kinikitang buwis ng Pasay City sa mga establisyementong ‘yan.
Pero ano itong nangyayari ngayon sa Pasay City?
Sa loob lamang ng wala pang 24 oras ay TATLO agad ang pinatay na kinabibilangan pa ng isang PULIS?!
Kunsabagay, bago pa man italaga d’yan sa P/Supt. Mitchel Filart ‘e ang dami nang unsolved cases ng iba’t ibang uri ng patayan at holdapan.
Inasahan nga ng mga residente na kaya pinalitan si Supt. Rodolfo Llorca ni Kernel Filart ay upang maresolba ang katakot-takot na patayan at ilegal na droga d’yan sa Pasay City.
Pero mukhang, sumasakit ang ulo ngayon ni Kernel Filart dahil mas madalas na may nangyayaring krimen kaysa nareresolba ang mga dating krimen na iniwan ng dating chief of police.
O baka naman may pangangailangan na ipadala muna sa pagsasanay at karagdagang kaalaman ang mga opisyal ng pulisya sa Pasay para ma-tutunan nilang resolbahin ang kabi-kabilang krimen na nangyayari d’yan araw-araw?!
O talagang pinipili ng mga ‘kriminal’ na d’yan gumawa ng krimen sa Pasay City dahil alam nilang hindi mareresolba ng mga awtoridad at malaya silang nakapupuslit anytime, anywhere.
Tsk tsk tsk …
Ano kayang hinihintay ng pulisya sa Pasay City? Mayroong itumbang mataas na opisyal d’yan sa area of responsibility (AOR) nila?! O isang malaking negosyante? O isang politiko? O isang Kamaganak Inc.? O isang bagman o kontratista ng city hall? O isang foreigner bago sila kumilos para tiyakin ang seguridad ng Pasay City?!
Wala bang aksyon na gagawin si Konsehal Richard Advincula na committee chairman ng peace & order!?
Mayor Antonino Casino ‘este mali’ Calixto Sir, marami nang ninerbiyos na residente d’yan sa lungsod na pinamamahalaan mo.
Hindi kasi nila alam kung makauuwi pa sila nang buhay paglabas ng bahay nila.
Ako, bilang isang private citizen at mamamahayag, ay nangangamba rin sa aking kaligtasan d’yan sa Pasay City lalo na kapag mayroon hearing sa asuntong libel na isinampa mo laban sa amin.
Gaano ako kasigurado na ligtas ako sa pagpunta at paglabas d’yan sa lungsod ng Pasay?!
Paging NCRPO chief, GEN. GARBO Sir, wala ba talagang maisip na paraan ang pulisya d’yan sa Pasay City para matuldukan na ang kabi-kabilang patayan d’yan?!
Uulitin ko lang po, ang Pasay City ang unang lungsod na nakikita ng mga dayuhan kapag nagpupunta sa ating bansa …
‘Yun lang po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com